Sinegundahan ni AGRI party-list Rep. Wilbert T. Lee ang pagnanais ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na paigtingin ang paggamit at pakinabang sa makabagong teknolohiya upang mapalakas ang sektor ng agrikultura sa bansa.
Ayon kay Lee, kinakailangan talagang maipaabot hanggang sa tinatawag na grassroots level ang agri-technology.
Sa pamamagitan aniya ito ng mga reporma o pagbabago sa pamamaraan ng pagsasaka, pagtatanim at pag-aalaga ng iba’t-ibang uri ng hayop, kasama na ang aqua-culture.
Matatandaang sa pagbisita ni Pangulong Marcos sa International Rice Research Institute (IRRI) sa Los Baños, Laguna ay napukaw ang kanyang atensyon sa mga bagong technolohiya na na-developed at ginagamit ng naturang international research institution.
Diin pa ni PBBM na siya ring tumatayong agriculture chief, dapat magpatupad ang pamahalaan ng “supportive policies” para sa modernisasyon ng local rice sector para higit na mapasigla ang agri-food industry ng bansa.
Mungkahi ni Lee, tularan ng Pilipinas ang ibang mga bansa na namuhunan ng husto sa agri-technology upang masolusyunan ang ilang hamon sa pagpapalakas ng produksiyon ng kanilang agriculture sector.
Inihalimbawa ni Lee ang The Netherlands at Israel, na bagama’t mas maliit ang agricultural lands kumpara sa Pilipinas, ay nagkakaroon pa ng surplus sa kanilang production dahil sa paggamit ng modernong teknolohiya.