Naniniwala ang Department of Justice (DOJ) na maaaring maabuso ang paggamit ng mga video recording bilang ebidensya na nagmula sa mga anonymous o hindi kilalang indibidwal.
Ito ang pahayag ni DOJ Spokesperson Atty. Mico Clavano, kaugnay sa hirit sa korte suprema ni Atty. Raymond Fortun na magamit ang mga video recording bilang ebidensya sa hukuman kahit mula pa sa hindi nagpakilalang tao.
Ayon kay Clavano, bagama’t suportado niya ang mungkahi ni Fortun sa intensyon na mapabilis ang pagkamit ng hustisya sa krimen ay may mga dapat ikonsidera.
Halimbawa rito ang privacy consideration at credibility consideration na maaaring maabuso kung magmumula lang sa hindi naman tukoy na kumuha ng video, na hindi credible o kapanipaniwalang ebidensya sa korte.
Naniniwala naman si Clavano na napapanahon nang pag-aralan kung kinakailangang amyendahan ang rules on electronic evidence dahil sa mga naglalabasang anonymous video sa internet.