PAGGAMIT NG MOTORSIKLO NG MGA ESTUDYANTE, MULING BABANTAYAN SA BRGY. PINOMA

Cauayan City – Motorsiklo ang pangunahing ginagamit na transportasyon ng mga estudyante sa pagpasok sa eskwelahan, partikular na ang mga estudyanteng nag-aaral sa paaralan sa Brgy. Pinoma.

Sa eksklusibong panayam ng iFM News Team kay Kagawad Patrocinio Balaan, ang siyang naitalaga sa Committee on Education sa Brgy. Pinoma, ngayong papalapit na muli ang pagsisimula ng pasukan ay isa ito sa mahigpit nilang babantayan.

Ayon kay Kagawad Balaan, hindi naman nila maaaring ipagbawal ang paggamit ng motorsiklo ng mga estudyante sapagkat karamihan sa mga ito ay mula pa sa mga karatig na lugar at ito lamang ang kanilang nagagamit sa pagpasok.


Sinabi ni Balaan na noong nakaraang pasukan, nakabantay sa labas ng paaralan ang mga Barangay Tanod sa kanilang lugar upang masiguro ang ligtas na pagmamaneho ng mga ito at ito rin ang muli nilang ipatutupad ngayon.

Bukod pa rito, plano rin nilang makipag-ugnayan sa pamunuan ng mga paaralan upang magkaroon ng pagpupulong kasama ang mga magulang ng mga bata upang mapag-usapan ang nararapat nilang gawin upang masiguro ang kaligtasan ng kanilang mga anak sa papasok sa eskwelahan.

Facebook Comments