Hindi pinapayagan ng liderato ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang paggamit ng mga miyembro ng kasalukuyang 19th Congress ng special o official na plaka ng sasakyan.
Inihayag ito ni House Secretary General Reginald Velasco makaraang masita sa pagdaan sa EDSA busway pero nakatakas ang isang sasakyan na mayroong plakang “8” na iniisyu lamang umano sa mga kongresista.
Diin ni Velasco, mayroong kasunduan ang Kamara sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hulihin agad ang drivers at kumpiskahin ang plaka na “8” na kanilang ginagamit.
Ayon kay Velasco, hindi dapat kunsintihin ang ilegal na paggamit ng mga special plates dahil banta ito sa kaligtasan ng publiko at sumisira sa integridad ng ating vehicle registration system.
Bunsod nito ay iginiit ni Velasco sa lahat ng mga mambabatas sa Kamara na sumunod sa patakaran at mga umiiral na batas hinggil dito.