Hiniling ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na ibalik ang paggamit ng pito at baton bilang bahagi ng uniporme ng mga pulis.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs tungkol sa pagpaslang sa menor de edad na si Jemboy Baltazar matapos pagbabarilin ng anim na PNP-Navotas, inirekomenda ni dela Rosa ang pagbabalik sa traditional policing kung saan ipinababalik ang paggamit ng pito at baton sa mga pulis.
Nabatid ng senador na walang ibang non-lethal o less lethal o hindi nakamamatay na gamit ang mga pulis kundi baril agad.
Aniya, kaya rin siguro diretsong gumagamit ng baril ang mga pulis para pasukuin ang isang suspek ay wala silang ibang option na pwedeng gamitin maliban sa dala nilang armas.
Unang inirekomenda ng dating PNP Chief ang paggamit ng pito at batuta ng mga pulis pero dahil sa napapangitan ang mga pulis sa batuta ay mainam kung baton na lamang ang gamitin.
Paliwanag ni Dela Rosa kapag pinituhan ang isang tinutugis na suspek ay ‘sign of authority’ na ito at hindi iyong papuputukan agad ang isang hinahabol na suspek.