Inihain ni OFW Family Partylist Rep. Bobby Pacquiao ang resolusyong magbabawal sa paggamit ng mga plastic bottle sa loob mismo ng Kongreso.
Sa ilalim ng House Resolution 261, iginiit ng nakababatang kapatid ni ‘Pacman’ na hindi dapat magbingi-bingihan ang mga mambabatas sa panawagan ng mga environmentalist na limitahan ang pagkonsumo ng mga plastik.
Maituturing na pangunahing dahilan kung bakit nasisira ang kalikasan ay dahil sa madalas na paggamit ng naturang bagay.
Ayon pa kay Pacquiao, dapat buo ang suporta ng Kamara sa ganitong makabuluhang adbokasiya.
Nakababahala umano ang mga naglalabasang ulat na pangatlo ang Pilipinas sa pinanggagalingan ng mga produktong plastik.
“Whereas, given the customary use of plastic water bottles in the House of Representatives, there is a clear and urgent need to start reducing the use of the same in government body by prohibiting the use of disposable plastic water bottles in sessions halls, lounge, and in all offices as well as during the committee hearings, technical working group meetings and other gathering held within House of Representatives premises,” pahayag ng kongresista.
Umaasa si Pacquiao na susunod ang ibang ahensiya at kapwa-mambabatas sa iminungkahing hakbang.