Isinasapinal na ng Technical Working Group (TWG) ng House Committee on Ecology ang panukalang batas para sa pag-ban ng paggamit ng single-use plastics.
Ayon kay Marinduque Representative Lord Allan Velasco, head ng TWG, ang direksyon sa kino-consolidate na panukala ay hindi para tuluyang i-ban ang paggamit ng plastic.
Paglilinaw ni Velasco, ipagbabawal sa panukala ang paggamit ng single-use plastic ngunit ire-regulate naman ang paggamit ng mga recyclable plastics gayundin ay isasama sa panukala ang retrieval o pag-recover ng mga producers sa mga nagamit na plastic.
Ang retrieval system sa mga plastics na isinusulong ay isasama sa Extended Producers Responsibility (EPR) na isang policy approach kung saan ang mga manufacturers o producers ay oobligahin sa ilalim ng batas na i-recover ang mga plastics para sa treatment at proper disposal ng mga nagamit na plastics.
Pinagsusumite ng panel ang mga stakeholder ng kanilang position paper upang makabuo ng isang balanseng panukala kung saan layunin na mapanatili ang trabaho ng mga manggagawa sa plastic industry, walang magsarang negosyo at makatulong din sa kalikasan.