Paggamit ng polymer sa ibang denomination ng banknotes sa bansa, ipinasususpinde ng Senado

Hiniling ni Senate Minority Leader Koko Pimentel sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na isuspinde muna ang anumang plano sa paggamit ng polymer sa ibang denomination ng Philippine banknotes.

Sa gitna ng pagdinig ng Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies tungkol sa imbestigasyon ng madalas na pagbabago sa perang papel at barya ng bansa, umapela si Pimentel sa BSP na itigil muna ang anumang balak na pilot testing o pag-eeksperimento gamit ang polymer banknote sa ₱500, ₱100 at sa iba pang paper money ng bansa.

Tinukoy ni Pimentel na batay sa kanyang nakaraang privilege speech tungkol sa problema at mga reklamong kaakibat ng mga nakagamit na ng ₱1,000 polymer bill, iginiit ng senador na ang sentimyento ng buong Senado ay itigil na ang pag-shift at paggamit ng polymer sa pera ng bansa.


Una rito ay nanghihinayang ang senador sa pag-abandona ng BSP sa ‘hero series’ na makikita sa lahat ng denomination ng Philippine banknotes ngunit ang bagong disenyo na sinasabi ng BSP na mahirap i-counterfeit ay papalitan naman tuwing ika-sampung taon.

Bukod dito, hindi rin kuntento ang mga tao na nakagamit na ng ₱1,000 polymer banknote na aniya’y inilarawan na mas peke pa ang pakiramdam at anyo kung ikukumpara sa lumang banknote na gawa sa abaca.

Maliban dito, hindi rin kumpyansa si Pimentel sa seguridad ng bagong polymer banknote dahil ipini-print lang ang security features habang sa dating pera ay inilalagay na ang security features sa papel habang nasa manufacturing process pa lang bago ito maging ganap na banknote.

Problema rin ang kawalan ng pasilidad ng BSP para sa pagpo-produce at printing ng polymer na pera.

Dagdag pa rito ay hiniling din ni Pimentel sa BSP na pagkuhaan ng impormasyon at feedback ang pagdinig ng Senado sa polymer banknote bago magsagawa ang tanggapan ng experiment o pilot run dito.

Facebook Comments