Inihain ng limang senador ang Senate Resolution No. 707 para imbestigahan ng Senado kung natutupad ba ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF -ELCAC ang mandato nito at tama ba ang paggamit nito sa pondo.
Kabilang sa mga naghain ng resolusyon ay sina Senators Nancy Binay, Grace Poe, Sherwin Gatchalian, Ralph Recto at Joel Villanueva.
Binigyang diin sa resolusyon na nilikha ang NTF-ELCAC para maglatag ng programa para resolbahin ang insurgencies o rebelyon.
Pero nakakadismaya na nagiging taga-sikil lamang ito ng mga karapatan sa pamamahayag ng mamamayang Pilipino dahil sa walang habas na red- tagging sa ilang indibidwal o personalidad, grupo at pati organizer ng mga community pantry.
Ayon kay Senator Villanueva, responsibilidad nilang mga mambabatas na tiyaking hindi nagagamit ang pondo ng gobyerno para maperwisyo ang taumbayan.
Dagdag pa ni Villanueva, magiging gabay nila ang pagdinig ng Senado kung karapat-dapat pa ba na muling pondohan ang NTF-ELCAC sa susunod na taon.