Nagbabala ang mga doktor sa patuloy na paggamit ng mga COVID-19 rapid antibody test para sa screening sa mga trabaho, maging sa mga government office.
Ayon kay Healthcare Professions Alliance against COVID-19 Spokesperson Dr. Antonio Dans, dapat nang itigil ang paggamit ng nasabing test kit dahil hindi naman ito nakakatulong bagkus ay posibleng nagiging sanhi pa ng pagkalat ng virus.
Aniya, tanging antibody lang ang nakikita sa naturang test kit at hindi ang aktuwal na virus.
Dahil dito, nabibigyan aniya ng ‘false security’ ang mga nagnenegatibo rito.
Sinabi naman ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, na kung siya lang ang masusunod ay ipatitigil na niya ang paggamit ng rapid antibody test.
Isinulong lang noon ang paggamit nito dahil may problema sa access sa Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR).
Iginiit naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na gagamitin pa rin ng gobyerno ang rapid test para suriin ang mga Pilipinong posibleng may COVID-19.
Nakatutulong aniya ang rapid test sa pagtukoy sa mga suspected COVID-19 at nako-confirm ito sa pamamagitan ng Polymerase Chain Reaction (PCR) test.
Bukod dito, hindi aniya sapat ang PCR para sa buong populasyon ng Pilipinas na mahigit 110 million.