Iminungkahi ng isang kongresista ang paggamit ng “renewable energy” para makatipid sa kuryente.
Sa House Bill 10687 o Government Electricity Consumption Act na inihain ni Manila Rep. Manny Lopez ay ioobliga ang mga departamento, opisina, at kahalintulad na tanggapan ng pamahalaan na magtipid sa kuryente sa pamamagitan ng paggamit ng “renewable energy.”
Iginiit sa panukala na mahalagang maging huwaran ang pamahalaan na pangunahan ang pagtitipid sa kuryente at pagkamit sa mga “climate goal” alinsunod sa Renewable Energy Act of 2008.
Batay sa panukala, “mandatory” na maglalaan ng hindi bababa sa 10% ng suplay ng kuryente mula sa “renewable energy resources” ang mga ahensya, kagawaran at mga tanggapan ng gobyerno, kasama rin ang mga lokal na pamahalaan, at government-owned and controlled corporations (GOCCs).
Kabilang sa mga tinukoy na pagkukunan ng renewable energy ay “biomass, solar, wind, geothermal, ocean energy, at hydropower.”
Madadagdagan naman ang porsyento sa suplay ng kuryente gamit ang renewable energy kada tatlong taon base naman sa pagtukoy ng Department of Energy (DOE).