Paggamit ng renewable energy, sisimulan na sa Iloilo City

Sisimulan na sa ilang bahagi ng bansa ang paggamit ng renewable energy bilang suporta sa target ng pamahalaan na mabawasan ang greenhouse gas emissions.

 

Kabilang rito ang Iloilo City kung saan lumagda ng kasunduan ang lokal na pamahalaan sa lugar kasama ang Energy Regulatory Commission o ERC at More Electric And Power Corporation o MORE Power na magbibigay daan din sa pagbaba ng presyo ng kuryente sa lungsod.

 

Sa ilalim ng agreement, inihayag ni MORE Power President and CEO Roel Castro na gagawa sila ng one-stop shop na mag-aalok ng teknolohiya gaya ng net metering at distributed energy sources sa mga consumer.


 

Habang nilinaw naman ni ERC Chairperson at CEO Atty. Monalisa Dimalanta na ang ERC ang gagawa ng mga teknikal na proseso para sa nasabing proyekto at palalakasin din anila ang information drive upang mas tangkilikin ng mga residente sa lungsod ang renewable energy.

 

Kaugnay nito, hinimok ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas ang mga residente maging ang maliliit na negosyo sa lugar na lumipat sa paggamit ng renewable energy upang bumaba ang konsumo nila sa kuryente.

 

Sa inisyal na paglulunsad ng nasabing programa ay nasa pitumpu’t dalawang kwalipikadong user sa iloilo city ang nabigyan ng certificate of compliance ng ERC para sa net metering program at inaasahang madaragdagan pa ito sa mga susunod na araw.

Facebook Comments