Hindi kailangang mabahala ang mga senior citizens kung makakatanggap sila ng bakuna ng Sinovac Biotech.
Ayon kay Department of Science and Technology (DOST) – Philippine Council for Health Research and Development (PCHRD) Executive Director Dr. Jaime Montoya, wala pang naiuulat na “major side effects” sa paggamit ng CoronaVac sa mga senior citizens sa ibang bansa.
Aniya, ang Sinovac vaccines ay “well-tolerated” ng mga senior citizens.
Dagdag pa ni Montoya, ang mga side effects lamang na nakikita ay lagnat at pananakit o pamamaga sa injection site at nawawala na ito sa loob ng isa hanggang dalawang araw.
Sa kabila ng pagkakaroon ng comorbidities, ang mga senior citizens ay maaaring tumanggap ng Sinovac basta ay nababantayan ang kanilang kondisyon ng kanilang mga doktor.