Tutol si Senator Imee Marcos sa hakbang ng kanyang kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos Jr., na ipagbawal ang mga opisyal at mga tauhan ng gobyerno sa paggamit ng sirena, blinkers at iba pang kaparehong signaling o flashing devices.
Ayon kay Sen. Marcos, mas dapat na higpitan ang regulasyon sa paggamit ng sirena at iba pang signaling devices sa halip na tuluyang ipagbawal.
Paliwanag ng presidential sister, mayroon naman kasing “valid uses” o makatwirang paggamit ng mga ganitong uri ng kagamitan.
Marapat aniya na mas maging mahigpit ang pamahalaan sa pagsupil sa mga umaabuso sa paggamit ng mga ganitong devices kung saan dapat na hulihin at papanagutin ang mga ito sa batas.
Sa inilabas na Administrative Order no.18 ay binigyang-diin dito ni Pangulong Marcos ang laganap na paggamit ng mga wangwang, blinkers at iba pang signaling devices ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno na nagdudulot lamang ng pagkaantala ng trapiko at hindi rin ito ligtas gamitin sa mga kalsada.