Inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang paggamit ng makabagong pamamaraan para sa produksyon ng hybrid rice na naglalayong mapataas ang crop production sa bansa.
Ang desisyon ay ginawa ng pangulo matapos ang pakikipagpulong sa ilang pribadong kompanya at mga magsasaka sa Central Luzon kung saan napag-usapan ang ilang problema sa rice industry.
Sa pagpupulong inirekomenda sa Pangulo ang paggamit ng mga pamamaraan para sa hybrid rice production na natukoy na ginagawa na sa Central Luzon kaya nagkakaroon ng conversion sa mga rice farming area na mula sa certified seeds to hybrid seeds.
Sinasabing sa nakalipas na dalawang taon ay nakapagbigay ang hybrid system ng mas mataas na porsiyento ng ani na umabot sa 41% kung ikukumpara sa conventional seeds.
Naiulat din na nakapag-ani ang mga hybrid farmer ng pito hanggang 15 metric tons kada ektarya gamit ang hybrid seeds na higit na mas mataas sa 3.6 metric tons na naipo-produce ng inbred seeds.
Sinabi naman ng representstive ng SL Agritech Corporation sa katauhan ng chairman at chief executive officer nito na si Henry Lim Bon Liong na kung maipatutupad ang hybrid technology sa buong bansa, mas makapagbibigay ito ng mas magandang income sa mga magsasaka at maaabot ang tinatarget na rice sufficiency.