Cauayan City, Isabela- Nagbabala sa publiko ang Fertilizer and Pesticide Authority ng Department of Agriculture (DA) Region 2 hinggil sa ilang smuggled at hindi rehistradong pesticide at fertilizer products na kumakalat sa ilang bahagi ng Cagayan Valley region.
Ayon sa ahensya, ang mga produktong ito na may naka-imprentang Thailand character at hindi umano mabasa kung ano ang mga sangkap ng nasabing produkto.
Sa ginawang pag-iikot ng mga kinatawan ng FPA-DA Region 2, nabatid mula sa mga growers ang ginagamit na pestisidyo at fertilizer ng vegetable growing communities sa Nueva Vizcaya na sinasabing ‘smuggled at unregistered ang mga produkto sa kanilang ahensya.
Giit pa ng ahensya, ang paggamit ng mga produktong ito ay makokompromiso ang kaligtasan ng pagkain at kaligtasan ng mga magsasaka.
Ang pesticide residue na ginagamit sa mga pananim ay mataas dahil walang batayan sa pre-harvest interval at hindi malinaw ang paraan ng paggamit nito.
Ikinaalarma rin ng ahensya patuloy na paggamit ng mga produkto dahil posibleng makasama sa mga indibidwal na kakain ng gulay kung hindi matutukoy ang dosage ng ginagamit sa pag-spray sa mga pananim na gulay at posibleng magpatuloy rin ang bentahan nito ngayong papalapit ang cropping season.
Batid ng ahensya na marami pa rin ang naipupuslit na pekeng produkto na hindi dumadaan sa tamang proseso at pagsusuri ng Bureau of Customs at Department of Trade and Industry.
Nagpaalala naman ang ahensya sa publiko na tangkilikin lamang ang mga rehistradong produkto mula sa mga lisensyadong dealers sa nasasakupang lugar.