Paggamit ng ‘Special Education Fund’ para sa blended learning, itinatakda ng Bayanihan 2

Binigyang-diin ni Senator Sherwin “Win” Gatchalian na sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2) ay maaaring gamitin ng mga Local Government Unit (LGU) ang kanilang Special Education Fund (SEF) para sa distance learning sa darating na pasukan.

Ayon kay Gatchalian, maaaring gamitin ang SEF para sa iba’t ibang paraan at kagamitan sa pagtuturo katulad ng pagpapatupad ng online learning, pag-imprenta at pagpapamahagi ng self-learning modules.

Maaari ring gamitin ang SEF para sa pagpapatayo ng mga handwashing stations at pagbili ng public health supplies, tulad ng sabon, alcohol, sanitizers, disinfectants, thermometers, face masks at face shields.


Sa ilalim ng Republic Act 7160 o ang Local Government Code of 1991, ang SEF ay nagmumula sa isang porsyentong buwis na pinapataw sa mga ari-arian.

Ang pondong ito ay ginagamit para sa pagpapatayo at pagkukumpuni ng mga gusali sa paaralan at sa pagbili ng mga kagamitan at mga aklat, pati na rin sa pananaliksik.

Ipinaliwanag ni Gatchalian na bagama’t may mga lokal na pamahalaang gumagamit na ng kanilang SEF para sa distance learning ay mahalagang magkaroon ang Bayanihan 2 ng malinaw na mandato para magamit ang naturang pondo sa pagpapatuloy ng edukasyon sa panahon ng pandemya.

Facebook Comments