STA. BARBARA, PANGASINAN – Ipinapatupad na ng LGU Sta. Barbara ang paggamit ng StaySafe PH bilang opisyal na digital contact tracing and health condition reporting tools ng pamahalaan para sa madali at ligtas na pagkontrol sa COVID-19.
Lahat ng papasok sa Sta. Barbara Municipal Hall ay kinakailangang i-scan ang QR code sa entrance o sa information area gamit ang StaySafe PH app o mobile camera scanner para makapag-submit ng personal information at health status online.
Sa pamamagitan umano nito ay maiiwasan ang physical contact at mas mapapaigting pa ang pagsunod sa safety protocols.
Layunin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na maisulong sa lahat ng ahensya ng gobyerno at publiko ang pagtangkilik sa naturang contact tracing system, alinsunod sa ginawang kolaborasyon ng developer nito na Multisys Technologies Corporation kasama ang PLDT-Smart Group at PLDT Enterprise, Inter-agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) at ang National Task Force on COVID-19.
Hinihikayat ang bawat indibidwal na i-download ang StaySafe PH app at mag-create ng personal account para magkaroon ng sariling QR code na magagamit sa pagpasok sa iba’t ibang establisyemento.
Magiging mandato na rin ito sa lahat ng business establishments at organizations sa Sta. Barbara na mag-apply ng kanilang StaySafe PH’s Admin Account, mag-print at mag-post ng kanilang StaySafe QR code.
Isa ito sa mga magiging basehan sa paggawad ng Safety Seal Certification na magpapatunay na ang isang lugar o gusali ay ligtas na puntahan.