Inihain ni Cotabato 3rd District Rep. Alana Samantha Taliño-Santos ang House Bill 9796 na layuning matuldukan na ang paggamit ng “toss coin” tuwing may “tie” o tabla sa mga eleksyon.
Aamyendahan ng panukala ni Santos ang Section 240 ng Batas Pambansa Bilang 881, o Omnibus Election Code of 1985 upang matigil na ang naturang practice na hindi aniya patas, sumisira sa demokratikong proseso, at prinsipyo ng “majority rule.”
Iniuutos ng panukala ni Santos na kung mayroong dalawa o higit pang kandidato na makakakuha ng parehong pinaka-mataas na bilang ng boto, ang pinal na resulta ay ita-transmit sa Sanggunian na magdaraos ng special session.
Ang makakuha ng majority vote” sa mga miyembro, ay ang ipoproklama bilang nanalong kandidato.
Kung ang posisyon naman ay district representative o district Sanggunian member ay ang mga miyembro ng Sanggunian ng naturang distrito ang boboto.
Kung kandidato sa pagkasenador naman ang nagtabla ay ang halal na 23 mga senador magbobotohan kung sina ang hihirangin nilang nagwagi.