
Mababawasan ng higit 50 porsyento ang carbon emission sa bansa sa paggamit ng mga tren kumpara sa mga pribadong sasakyan.
Ito ang inihayag ng Department of Transportation (DOTr) alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isulong ang maayos at responsableng maka-kalikasang pampublikong transportasyon.
Ayon kay Transportation Secretary Banoy Lopez, malaking tulong ang mga umiiral na train lines upang mabawasan ang polusyon sa kalsada at mahikayat ang publiko na sumakay sa mass transit.
Inaasahan namang mas lalong bababa ang carbon emission kapag naging operational na ang mga bagong proyekto tulad ng North-South Commuter Railway, MRT-7, at Metro Manila Subway.
Mababawasan din nito ang malalang trapiko na nagdudulot ng bilyun-bilyong pisong lugi sa ekonomiya ng bansa araw-araw batay sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency.
Samantala, sa kabila ng magandang paanyaya ng ahensya na gumamit ng tren bilang pangunahing pampublikong transportasyon.
Nais ng publiko na mas pagandahin ang sistema at paramihin muna ang serbisyo ng tren sa loob at labas ng Metro Manila upang maiwasan ng araw-araw na siksikan tuwing rush hours.










