Paggamit ng uniporme at sagisag ng mga law enforcers, ipinahaharap sa mabigat na parusa

Isinusulong ni Senate Committee on National Defense and Security Committee Chairman Senator Jinggoy Estrada ang pagpapataw ng mabigat na parusa sa mga kawatan na gagamit ng uniporme at sagisag ng mga alagad ng batas partikular ang magpapanggap na pulis at sundalo.

Sa Senate Bill 2149 na inihain ni Estrada, pinaaamyendahan nito ang Article 179 ng Revised Penal Code kung saan pinatataasan ang parusang ipapataw laban sa mga nagkukunwaring myembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Polic (PNP).

Sa panukala, mula sa kasalukuyang parusa na “arresto mayor” na pagkakabilanggo na isang buwan at isang araw hanggang anim na buwan ay itataas ang parusa sa “prision mayor” o pagkakakulong ng anim na taon at isang araw hanggang sampung taon.


Binanggit ni Estrada na marami na ang lumapit sa kanyang opisina at nagreklamo sa mga taong nagsusuot ng uniporme o gumagamit ng insignia tulad ng badge para magpanggap na awtoridad at makapangikil sa kanila o kaya ay makagawa ng ibang krimen tulad ng kidnapping, pagnanakaw at kahit ang pagpatay.

Batid ng senador na ang kasalukuyang parusa ay hindi sapat sa bigat ng pagkakasala na ginawa lalo na sa posibleng maidulot nito sa mga naging biktima.

Giit pa ni Estrada, nararapat lamang ang mas mabigat na parusa dahil hindi lamang ito pagdungis sa imahe ng mga alagad ng batas kundi paglapastangan din sa simbolo ng disiplina, organisasyon, at kahusayan ng mga taong nanumpa ng katapatan sa bandila, sa publiko at sa bansa.

Facebook Comments