Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko laban sa paggamit ng e-cigarettes at vaping products.
Ito ay matapos makumpirma ang unang kaso ng electronic cigarette or vaping associated lung injury o evali sa Central Visayas partikular ang isang 16-anyos na babae.
Ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo – mataas ang tiyansang mapuruhan ang baga kapag patuloy ang paggamit ng e-cigarettes.
Marapatin ding magpakonsulta sa doktor sa kung paano ito mapigilan o maiiwasan.
Giit pa ni Domingo – hindi dapat nagagamit ng mga bata ang mga e-cigarettes at vapes dahil mas kapitin sila ng masamang epekto ng nicotine.
Pinayuhan din ng DOH ang publiko na huwag nang subukan ang vaping products dahil sa addictive components nito.
Kaugnay nito, nanawagan na si sin tax coalition co-convenor Anthony Leachon sa agarang pagpasa ng panukalang magtataas ng buwis sa mga e-cigarettes at vaping products.
Sa ngayon, patuloy ang pakikipaglaban ng gobyerno sa preliminary injunction orders na inisyu ng Pasig at Manila Courts laban sa administrative order ng Food and Drug Administration (FDA).
Sa ilalim ng AO, inaatasan ng FDA ang mga manufacturer ng e-cigarettes at vapes na tanggalin ang mga mapanganib na kemikal sa kanilang mga produkto.