Paggamit ng videoke na lampas ng itinakdang oras, pinagbabawal na ng Antipolo City Government

Photo Courtesy: Jun-Andeng Ynares

Mahigpit na ipinagbabawal ngayon ng Antipolo City Government ang paggamit ng videoke upang hindi maabala ang mga estudyante sa kanilang pag-aaral gamit ang gadgets gaya ng laptop, cellphone, computer, etc.

Sa abiso na ipinalabas ng Public Information Office ng Antipolo City Government, kasabay ng pagsisimula ng klase sa mga pampublikong paaralan ngayong buwan, pinapaalalahanan ang lahat na mayroon ng umiiral na bagong ordinansa patungkol naman sa operation hours o paggamit ng videoke sa lungsod ng Antipolo.

Sa ilalim ng nasabing ordinansa, maaari lamang mag-videoke mula alas-6:00 ng gabi hanggang alas-9:00 ng gabi.


Ang naturang hakbang ay upang maiwasan ang pag-iingay at mabawasan ang distractions habang nagkaklase ang mga estudyante sa kanilang mga tahanan at makapagpahinga naman nang tahimik sa gabi ang lahat lalo na ang mga magulang na galing pa sa trabaho at paghahanap-buhay.

Inaasahan ng Antipolo City Government ang buong suporta at kooperasyon ng mga residente ng lungsod kung saan inaasahan din nila na ang kapulisan at barangay officials ay mahigpit na ipatutupad ang naturang ordinansa.

Ang sinumang lumabag sa naturang ordinansa ay mayroong kaakibat na parusa at multa.

Facebook Comments