Hindi magdadalawang isip na gumamit ng water cannons ang civil disturbance unit ng Philippine National Police sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. laban sa mga raliyista.
Pero nilinaw ni PNP OIC Lt. Gen. Vicente Danao Jr., na gagawin lamang nila ito kung kinakailangan o kung lalabag sa batas at hindi na makontrol ang mga militante.
Paliwanag ni Danao, last resort na ito dahil hangga’t maaari ay ayaw nilang gumamit ng dahas.
Kung kaya’t tuloy aniya ang pakikipag dayalogo nila sa mga lider ng militanteng grupo para maging organisado at payapa ang idaraos nilang pagkilos sa SONA.
Giit pa ni Gen. Danao, paiiralin ng mga naka-deploy na pulis sa SONA ang maximum tolerance.
Una nang tinukoy ng PNP ang Quezon Memorial Circle sa loob ng compound ng Commission on Human Rights at loob ng UP Diliman Campus bilang freedom parks o mga lugar kung saan lamang maaaring magsagawa ng mga kilos protesta sa Lunes.