Hindi tututulan ng Komisyon sa Wikang Filipino sakaling isulong ng Department of Education (DepEd) na tanggalin na ang mother-tounge o wikang katutubo at ibalik ang paggamit ng wikang Ingles bilang medium ng pagtuturo.
Sa panayam ng RMN Manila, sinabi ni KWF Chairperson Arthur Cassanova na naniniwala siyang pag-aaralan muna itong mabuti ng DepEd bago ito ipatupad, dahil marami aniyang pag-aaral na nagpapatunay na mas natututo ang mga bata kung mother-tounge ang gagamiting medium ng pagtuturo mula Kinder hanggang Grade 3.
Mabilis din aniyang matutunan ng mga bata ang pangalawang wika tulad ng Filipino at Ingles kung gagamitin muna ang wikang katutubo.
Gayunpaman, nilinaw ni Cassanova na walang problema sa paggamit ng wikang Ingles dahil dapat ay magkasabay ito na isinusulong kasama ang wikang Filipino at wikang katutubo.
Kailangan din kasing maging mahusay ng mga bata sa paggamit ng wikang Ingles dahil ito ang wikang pang negosyo o pang internasyunal, pero dapat hasain din sa kanilang edukasyon ang kanilang mga katutubong wika.