Iginiit ni House Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin sa Department of Agriculture o DA na palakasin ang produksyon ng kamote.
Mungkahi rin ni Garin na bigyan ng insentibo ang mga restaurants at karinderya sa buong bansa na gagamit ng kamote bilang pamalit sa kanin o sa French fries.
Layunin ng suhestyon ni Garin na makapagbigay ng dagdag nutrisyon sa mamamayan at matugunan ang problema sa kakulangan ng bigas.
Sinabi ni Garin na kung may food option sa mga menu ng mga restaurants para sa kamote ay tiyak na simula na din itong magugustuhan ng mga Pinoy kapalit ng kanin.
Tinukoy ni Garin na sa ibang bansa gaya ng South Korea, Japan at Estados Unidos, ay tinuturing ang kamote bilang super food na kanilang sa pang araw araw na diet habang sa Pilipinas na may malaking produksyon ng kamote ay isinasantabi lang ito.
Para kay Garin, hindi na dapat “Rice is life” lalo’t ang sobrang pagkain ng kanin na nako-convert bilang sugar ay maaring maging dahilan ng diabetes kumpara sa kamote na mas maganda sa kalusugan.
Upang makamit ang kamote bilang rice alternative ay pinayuhan ni Garin ang DA na bumalangkas ng mga programang magpapataas sa produksyon ng kamote.