Manila, Philippines – Lumabag sa mga panuntunan ng Department of Education o DepEd at ginawang recruitment facilities ng New People’s Army (NPA) ang mga Lumad schools.
Ito ang lumabas sa pagdinig ng Committee on Cultural Communities (CCC) na pinamumunuan ni Senator Imee Marcos.
Basehan ng pagdinig ang Senate Resolution Number 34 na inihain ni Senator Leila de Lima na kumukwestyon sa pagsuspendi sa operasyon ng mga Lumad school sa Davao Region.
Sa pagdinig ay pinagpaliwanag ng mga senador ang DepEd kung bakit nare-renew taon-taon ang permit ng Salugpungan Schools kung nagagamit pala ito sa recruitment ng NPA.
Ayon kay DepEd Region 11 Director Dr. Evelyn Fetalvero, hirap sila sa pag-monitor ng mga Lumad school at tuwing may inspection sila ay humahakot pala ang mga ito mula sa mga karatig-bayan ng mga kabataang nagpapanggap bilang mga estudyante.
Sa pagdinig, ay iniharap naman ni National Security Adviser Hermogenes Esperon ang tatlong katutubo na nag-aral sa Lumad schools na ang kwento na target shooting ang itinuturo sa kanila.
Sinabi naman ni National Commission on Indigenous Peoples (CIP) chairman Allen Capuyan, ginagawa talagang recruitment facility ang Lumad schools at pinalalabas lang na eskwelahan para makakuha rin ng international funding.
Tiniyak naman ng DepEd na kahit pinasara ang mga Lumad schools ay patuloy namang nakapag-aaral ang nasa 1,158 na estudyante nito na nailipat sa ibang mga eskwelahan.