Paggamit sa natitirang pondo ng Bayanihan 2, ipinanawagan ng ilang senador

Nanawagan sa Malakanyang ang ilang senador na aksyunan na ang P18 bilyong natitirang pondo ng mapapasong Bayanihan to Heal As One Act (Bayanihan 2).

Ayon kay opposition Senator Francis Pangilinan, nasa Malakanyang na ang desisyon para hindi mapaso at mapakinabangan pa sa pandemya ang natitirang pondo.

Maaari aniyang kumilos ang Malakanyang para maobliga na maipalabas na ang pondo at makakuha na ng mga kontrata bago ang huling araw ng bisa ng Bayanihan 2 sa katapusan ng Hunyo.


Kung hindi ito magagawa, sinabi ni Pangilinan na maibabalik na sa Bureau of Treasury and pondo maliban na lamang kung magpapatawag ng special session ng Kongreso si Pangulong Rodrigo Duterte para palawigin ang batas.

Giit naman ni Senator Leila de Lima, hihilingin ng Kongreso na magpatawag ng special session ang pangulo.

Una nang humirit ng special session si Albay Congressman Joey Salceda para mapigilang mapaso ang Bayanihan funds na kailangan sa pagsasagawa ng lab testing, contact tracing at pagkuha ng mga healthcare workers.

Facebook Comments