Paggamit sa pondo ng NTF-ELCAC, dapat repasuhin ng bagong PNP chief

Iginiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon kay bagong Philippine National Police Chief Lt. Gen. Dionardo Carlos na repasuhin ang paggamit ng PNP sa anti-insurgency funds.

Hiling ito ni Drilon sa bagong pinuno ng PNP sa harap ng alegasyong may mali sa paggastos sa pondong nakalaan sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC.

Paliwanag ni Drilon, kung iko-compute ang mahigit sa P1 billion alokasyon para sa NTF-ELCAC ay lalabas na halos 13 milyong aktibidad ang ginawa ng PNP sa loob ng isang taon.


Ayon kay Drilon, papatak ito ng mahigit 43,000 na aktibidad ng PNP sa kada-araw o 1,805 aktibidad sa kada-oras.

Punto ni Drilon, ipinapakita nito na parang super body o superman ang PNP na hindi kapani-paniwala.

Binanggit din ni Drilon na ilang beses nakitaan ng Commission on Audit (COA) ng iregularidad ang paggamit ng iba’t-ibang ahensya sa NTF-ELCAC funds.

Sa budget deliberations ng Senado ay kinuwestyon ni Drilon ang paglalaan ng mahigit 1-bilyong piso para sa anti-insurgency programs sa susunod na taon na kapareho rin ng inilaan ngayong taon kung saan P766.2 million na ang nagamit.

Facebook Comments