Paggamit sa PPE at iba pang medical supplies para sa money laundering activities, ibinabala ni Senator Marcos

Pinangangambahan ni Senador Imee Marcos na magamit sa pinakabagong modus ng money laundering ang mga Personal Protective Equipment (PPE), testing kits, disinfectants, respirators, surgical tools at inaasahang bakuna kontra sa COVID-19.

Paliwanag ni Marcos, kaya mataas ang demand sa buong mundo ng mga medical supply at equipment laban sa COVID-19 pandemic.

Kaya naman, maluwag aniya ang proseso sa pagbili at regulatory requirements ng mga gobyerno at mga pribadong ospital na maaaring daan para mapasukan ito ng bagong modus o mga pinansyal na katiwalian tulad ng money laundering.


Binanggit pa ni Marcos, na dahil sa pandemya ay humina rin ang kita o korapsyon ng mga financial criminal sa casino at real estate operations bunga ng limitadong galaw at mga pampublikong pagtitipon at pagpapatupad ng work-from-home scheme.

Kaugnay nito ay inihain ni Marcos ang Senate Bill 1545 para masigurong hindi madadawit ang Pilipinas sa nakababahalang listahan ng Paris-based Financial Action Task Force ng mga bansang kinokonsiderang mataas ang tiyansang hindi magamit sa tama ang international financial system.

Layunin ng panukala ni Marcos na bigyan ng dagdag na kapangyarihan ang Anti-Money Laundering Council na magbantay, mag-imbestiga at i-subpoena ang mga hinihinalang financial criminal, gayundin ang pag-freeze sa lahat ng kanilang ari-arian at magsagawa ng forfeiture proceedings maliban kung pagbawalan ng Court of Appeals o Korte Suprema.

Facebook Comments