Paggamit sa sabong para mapunan ang mawawalang kita ng gobyerno, iminungkahi sa Kamara

Iminungkahi ni House Deputy Speaker at Quezon Representative David Suarez sa Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO na tingnan kung paano magagamit ang sabong para mapunan ang mawawalang kita ng gobyerno dahil sa pagbabawal sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.

Sa pagbusisi ng House Committee on Appropriations sa proposed 2025 national budget ay binanggit ni Suarez na sa pagkawala ng POGO ay tinatayang aabot sa 7 bilyong piso ang mawawalang koleksyon mula sa POGO habang 25,000 na mga Pilipinong manggagawa ang mawawalan ng trabaho.

Sa puntong ito ay sinabi ni Suarez na hindi naman natitigil ang operasyon ng remote cockfighting o sabong sa bansa kaya maaring ikonsidera ng PCSO kung paano makakakolekta dito.


Bukas naman si PCSO Chairman Felix Reyes sa nabanggit na mungkahi sa pagsasabing may kakayahan ang PCSO na ito ay gawin kung magkakaroon ng enabling law.

Facebook Comments