Iminungkahi ni Senator Sherwin Gatchalian ang pag-maximize sa gamit ng telebisyon at radyo bilang learning sources ng mga estudyante sa ilalim ng tinatawag na new normal environment bunsod ng COVID-19 health crisis.
Ayon sa senador na siyang chairman ng Senate Committee on Education, hindi kasi lahat ng mag-aaral ay may access sa makabagong teknolohiya gaya ng internet.
Dapat din aniyang iprayoridad ang kalusugan at kaligtasan ng mga estudyante maging ang kanilang mga guro at magulang.
Kaugnay nito, sa ilalim ng inihain niyang Senate Resolution 391, kabilang sa pag-aaralan ng Senado ay ang posibleng paggamit ng tradisyunal na teknolohiya tulad ng TV at radyo.
Aniya, mandato sa batas na 15% ng airtime ng telebisyon at radyo ay dapat ibigay sa pagtuturo na pwedeng gamitin ng mga bata.
Bukod dito, iminungkahi rin ng senador na bawasan muna ang mga itinuturong subjects gaya ng PE at Home Economics sa halip ay ituro ang pinakamahalaga gaya ng Math, Science, English at Reading.
Pero paglilinaw ni Gatchalian, hindi ito nangangahulugan ng pagputol sa K-12 program kundi, ina-adjust lang dahil na rin sa kakaibang sitwasyon bunsod ng COVID-19 pandemic.