Ipinasasapubliko ni Tarlac Representative Noel Villanueva ang utilization ng mga pondo ng Local Government Units (LGUs) sa gitna ng COVID-19 crisis.
Bunsod nito ay hinimok ng mambabatas ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na atasan na ang mga LGU na isumite ang kanilang paggugol o paggastos sa pondo.
Ayon kay Villanueva, dapat na ipakita ng mga LGU kung saan at paano nila ginamit ang kanilang pondo upang makapag-bigay ng tulong sa kanilang constituents sa gitna pandemic.
Simula kasi na nagdeklara ng State of National Health Emergency ang pamahalaan ay pinayagan na ang mga LGU na gamitin ang 5% calamity fund, savings, Internal Revenue Allotment (IRA) at maging ang 20% ng kanilang development fund.
Samantala, pinatitiyak naman ni Defeat COVID19 Committee – New Normal Cluster Chair at Antique Representative Loren Legarda na naipamahagi na ng mga LGU ang ₱3,000 na pension ng mga indigent senior citizen para sa mga buwan ng Enero hanggang Hunyo.
Bukod dito, inatasan rin niya ang DILG na i-post sa online ang makukuhang fund utilization report ng mga LGU upang ma-access at maging transparent sa publiko.