Paggawa ng digital version ng National ID, iminungkahi ng DICT

Iminungkahi ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang paglalabas ng digital na bersyon ng National Identification Cards.

Sinabi ito ni DICT Secretary Ivan John Uy kasunod ng aberya sa pag-imprenta ng aktwal na National ID cards dahil sa isyu sa mga printer nito.

Ayon kay Uy, malawak nang ginagamit ang digital IDs ngayon at di hamak na mas madali itong maibigay sa taumbayan kumpara sa nahahawakang ID.


Dagdag pa ng kalihim, pwede rin itong ilagay sa mga smartphones at mas mapapadali ang pag-arangkada ng amelioration programs ng pamahalaan.

Mababatid na pinapamadali na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., noong Hulyo sa National Economic Development Authority (NEDA) ang pamamahagi ng National ID.

Target kasi ng pamahalaan na makumpleto ang National ID Program sa unang bahagi ng taong 2023.

Batay sa huling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 50 milyong Pilipino na ang nakapagparehistro para sa PhilSys habang nasa 14.3 milyong cards pa lamang ang naipapamahagi.

Facebook Comments