
Isinulong ni Bagong Henerasyon Party-list Rep. Robert Nazal na gawing krimen ang paggawa, pagpapakalat o pagmamay-ari ng mga pekeng hubad na imahe o videos, o pornograpiya kasama na ang “deepfakes” na ginagawa sa pamamagitan ng artificial intelligence o AI.
Nakapaloob ito sa inihain ni Nazal na House Bill 807 o panukalang tugon sa panggigipit, pangignikil at pamamahiya gamit ang mga pekeng hubad na imahe o videos o pornograpiya.
Tinukoy sa panukala na batay sa record ng Philippine National Police ay tumaas ng 18% ang voyeurism cases noong 2024, habang nakapagtala naman ang National Bureau of Investigation o NBI ng 240% na pagtaas sa mga reklamo kaugnay ng deepkafe sextortion.
Biinanggit din sa panukala ang pag-aaral ng UNICEF noong 2022 na 1 sa bawat 5 batang Pilipino na edad 12 hanggang 17 ay nakaranas ng online sexual exploitation o pag-abuso.
Kapag naging ganap na batas ang panukala ni Nazal, ang mga lalabag dito ay maaaring makulong ng 12-taon o hanggang 20-taon kapag ang biktima ay menor de edad.









