Isang bagong pagkakakitaan ang sinimulan ng ilang Parent Leader ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Aguilar matapos silang sumailalim sa limang araw na pagsasanay sa paggawa ng tsinelas mula Pebrero 9 hanggang 13.
Dinaluhan ang aktibidad ng mga 4Ps Parent Leader mula sa iba’t ibang barangay ng bayan.
Layunin ng pagsasanay na mabigyan sila ng karagdagang kakayahan at alternatibong pagkakakitaan, lalo’t karamihan sa kanila ay umaasa lamang sa maliliit at hindi regular na kita.
Saklaw ng training ang tamang pagpili at paggamit ng materyales, wastong pagsukat at pagdisenyo ng tsinelas, gayundin ang pagkwenta ng puhunan at posibleng tubo.
Sa pagtatapos ng programa, nakagawa ang bawat kalahok ng sarili nilang pares ng tsinelas bilang bahagi ng kanilang hands-on output.
Pinangunahan ang pagsasanay ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) katuwang ang DSWD 4Ps Municipal Operations Office (MOO) at isang non-profit organization bilang suporta sa pagpapalakas ng kabuhayan ng mga benepisyaryo.









