Naniniwala si Deputy Speaker at Buhay Partylist Rep. Lito Atienza na ni-railroad ang pag-apruba kahapon sa panukala na 25-year franchise ng Manila Water at Maynilad.
Ayon kay Atienza, nakiusap at nagdahilan na siya kahapon sa mga kasamahan at sa Chairman ng Legislative Franchises na pairalin ang transparency ngunit hindi sila sumunod o nakinig dito.
Bagkus ay inaprubahan agad sa pagdinig ang paggawad ng panibagong prangkisa sa mga water concessionaires na hindi man lang natatalakay ang mga isyung nakapaloob dito.
Maliban pa rito ay hindi alam ng publiko at itinago sa media ang pagdinig kahapon sa inaprubahang panukala.
Hindi na nabusisi sa committee hearing ang revised concession agreement ng pamahalaan sa dalawang water companies, kabuuang environmental fees na nakokolekta mula pa noong 1997, utang sa mga foreign lending banks, at pagtatayo ng mga wastewater treatment plants sa Metro Manila na may sovereign guarantee ng pamahalaan.