Isinusulong ni Assistant Majority Leader at ACT-CIS Party-list Rep. Niña Taduran na kilalanin na bilang “National Artist” si Nora Aunor.
Ayon kay Taduran, dalawang beses nang ipinagkait kay Aunor ang recognition kaya panahon na rin aniyang ipagkaloob sa aktres ang pagkilala sa talento nito na naghatid ng karangalan at inspirasyon sa bansa.
Sa House Resolution 1352 na inihain ni Taduran, hinihikayat nito ang Mababang Kapulungan na i-nominate si Aunor bilang National Artist Award for Film bilang pagkilala sa kanyang hindi mapapantayang kontribusyon sa sining at kultura ng bansa.
Tinukoy rin na sa loob ng limang dekadang karera ni Aunor ay nagawaran ito ng napakaraming local at international acting awards.
Bukod dito, si Aunor din ang kauna-unahang Pilipinang aktres na nabigyan ng parangal bilang isa sa Ten Outstanding Women in the Nation’s Service (TOWNS) noong 1983.
Umaapela ang kongresista na sapat na ang mga nakuhang parangal ni Aunor para maibigay na sa aktres ang Order of National Artist na siyang pinakamataas na parangal na ibinibigay ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at Cultural Center of the Philippines (CCP) batay sa pag-apruba ng Pangulo ng Pilipinas.