Pinuri ni Vice President Leni Robredo ang naging talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 75th United Nations General Assembly (UNGA) noong Miyerkules, September 23.
Ayon kay Robredo, pinaka paborito niya sa bahagi ng talumpati ng pangulo ay ang paggiit nito sa 2016 arbitral victory ng Pilipinas laban sa ‘historical claims’ ng China sa South China Sea.
Simula 2016, ito aniya ang statement na matagal nang hinihintay ng lahat.
Umaasa naman ang Bise Presidente na mapaninindigan ng Pangulo ang kainyang sinabi sa UN General Assembly.
“Ang ganda nung speech. Pinakapaborito ko talaga dun yung tungkol sa south china sea kasi yun yung pinakahinihintay natin since 2016, finally nasabi na. so, ang hihintayin natin ulit, paano mapapanindigan yung sinabi. Sana yung sinabi natin do’n, mapanindigan natin kasi pagpo-proteksyon ‘yon sa soberenya natin e,” ang pahayag ni Robredo sa programang Biserbisyong Leni sa RMN.
Samantala, nilinaw rin ni Robredo na hindi siya tutol sa pakikipagkaibigan ng Pilipinas sa China pero hindi ito dapat umabot sa puntong mapapabayaan ang territorial integrity ng bansa.
Dapat aniyang gayahin ng Pilipinas ang Indonesia at Vietnam kung saan kahit tuluy-tuloy ang economic relations sa China ay hindi naman papatinag sa ginagawa nitong pananakop sa kanilang territorial waters.
“Hindi naman ako against na mag-strenghten tayo ng friendship with China pero sana naman not an the extent ng ating sovereignty. May mga bansang nagpapakita na tuloy ang kanilang economic relations pero hindi nila pinapayagan yung incursion sa kanila. ang nagpapakita nito Ka Ely, yung Indonesia tsaka Vietnam,” ani Robredo.