Paggugol sa ₱3.7 trillion 2020 budget, ipinasasapubliko ng Makabayan

Ipinasasapubliko ni Deputy Minority Leader at Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate ang gastos o mga pinaglaanan sa P3.7 trillion na 2020 national budget.

Ito ang naging suhestyon ni Zarate bago aniya payagan ang pamahalaan na pagkatiwalaan sa malaking halaga sa ilalim ng isinusulong na Bayanihan 2 na may P162 billion na pondo.

Giit ni Zarate, ang Bayanihan 2 ay hindi dapat ituring na “recovery” fund dahil hindi pa naman talaga gumagaling ang bansa sa naunang Bayanihan to Heal as One Act.


Kinuwkestyon ng kongresista ang pag-apruba sa isang panibagong bersyon ng panukala gayong hindi naman aniya naging epektibo at nagamit sa dapat na paggamitan ang Bayanihan 1.

Hindi rin aniya ginagarantiya ng Bayanihan 2 ang full funding para sa mass testing ng vulnerable sectors kabilang ang healthcare frontliners at mga taong nagkaroon ng contact sa mga may COVID-19.

Dagdag pa ng kongresista ang hindi pagiging epektibo ng contact tracing strategy ng pamahalaan at ang napipintong pag-collapse ng ating health care system.

Nababahala si Zarate na magamit lamang ang Bayanihan 2 para sa dagdag na kapangyarihan at pondo ng Malakanyang at gamitin sa kampanya ng mga kaalyado ng pamahalaan para sa nalalapit na halalan sa 2022.

Facebook Comments