Paggugol sa Bayanihan 1 at 2, ipasisilip sa Kamara

Maghahain si dating Speaker at Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano ng resolusyon para ipabusisi sa Kamara kung paano ginugol o ginastos ang pondo sa ilalim ng Bayanihan 1 at 2.

Ayon kay Cayetano, makakatulong din ang pagsilip sa paggamit sa pondo ng Bayanihan 1 at 2 para sa isinusulong ngayon na Bayanihan 3 Bill.

Sinabi ni Cayetano na kung anuman ang tama sa Bayanihan 1 at 2 ay iyon ding ilalagay sa Bayanihan 3 at kung may mali man sa mga nailabas na pondo ay dapat na maibalik.


Inihalimbawa ni Cayetano ang ₱4 billion na pondong inilaan sa Department of Education (DepEd) para pambili ng sampung libong unit ng tablet at laptops ng mga estudyante at mga guro para sa blended learning.

Ngunit pasaring ng mambabatas, kahit isang paracetamol na tablet o kung anumang brand ng tablet ay wala pa siyang nakikitang lumabas mula sa DepEd.

Matatandaan na sa Bayanihan 1 o Bayanihan to Heal as One Act, nag-realign ang pamahalaan ng ₱275 billiion na pondo para sa COVID-19 response habang ₱165.5 billion naman sa Bayanihan 2 o Bayanihan to Recover as One Act samantalang ang Bayanihan 3 Bill naman ay nakabinbin pa rin sa Mababang Kapulungan.

Facebook Comments