Pagguho ng Lupa dahil sa Pag-uulan, Naranasan sa Nueva Vizcaya

Cauayan City, Isabela- Nakaranas ng malawakang pagguho ng lupa mula sa kabundukan dahil sa nangyaring pag-uulan mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.

Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), nakaranas ang bayan ng Kasibu ng malawak na pagguho ng lupa at pansamantalang isinara para sa gagawing road clearing operation habang isang (1) pamilya naman ang inilikas mula sa Purok 4 Poblacion na kasalukuyang nasa barangay hall.

Bukod dito, nananatili pa rin na walang suplay ng kuryente sa Kongkong Valley simula pa kagabi.


Tumaas din ang lebel ng tubig sa Macalong-Cordon overflowbridge kung kaya’t hindi muna pinapayagan na makadaan ang lahat ng uri ng sasakyan.

Samantala, nakaranas ng landslide sa ilang bahagi naman ng Bayombong-Amabaguio road-Daclig section kaya’t hindi rin ito maaaring daanan ng mga sasakyan.

Patuloy naman ang ginagawang clearing operation ng mga otoridad para maialis na ang mga nakahambalang sa daan pero pagtitiyak ng PDRRMC na posibleng maranasan pa rin ang pagguho ng lupa kung magtutuloy ang pag-uulan.

Facebook Comments