Mapayapa ang kabuuang pagdiriwang ng ika-122 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.
Ito ang kabuuang security assessment ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay PNP Chief Police General Archie Francisco Gamboa, batay sa monitoring ng PNP Command Center sa Camp Crame sa mga kaganapan sa buong bansa kaugnay sa mga aktibidad ngayong Independence day, mayroong mga nagsagawa ng protesta at public assembly.
Pero ito aniya ay mga maliliit na grupo lamang na boluntaryo ring nag-disperse matapos ang isinagawang pagtitipon-tipon at protesta.
Ang mga lugar na namonitor ng PNP na may naganap na pagtitipon at nagprotesta ay sa University of the Philippines-Diliman sa Quezon City, De La Salle University, St. Ignatius, Quezon City, Santiago City, Isabela, Baguio City, Legazpi City at sa Cebu City.
Wala naman ni-isa sa kanilang ang naaresto dahil sumunod sila sa mga ipinatutupad na health protocols.
Sa kabila ng kilos protesta, nagpasalamat pa rin si Gamboa sa publiko sa pagsunod sa kanilang panawagan na iwasan ang mass gathering para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.