Pinaghahandaan na ng lokal na pamahalaan ng Asingan ang paggunita ng Kankanen Festival sa naturang bayan na gaganapin sa ika-5 hanggang ika-10 ng Hunyo 2023.
Sa isang virtual conference, ibinahagi ni Tourism Officer – Asingan, Michael Soliven ang isa sa mga inaasahang highlights sa nalalapit na selebrasyon ay ang pinakamalaki at pinakamahabang kankanen sa buong Pilipinas. Ayon sa kaniya, ninanais nila itong mapabilang sa talaan ng Guinness World Records.
Idinagdag pa niya na nais nilang lagpasan ang bilang ng dalawang-daan at labing anim (216) na bilao na kanilang ginawa noong nakaraang taon upang maging posible ang kanilang pagsungkit sa naturang prestihiyosong talaan.
Nabanggit din ng opisyal na hindi lang ito basta-basta kasiyahan sapagkat ang nasabing kapistahan ay sumisimbolo umano sa pagkakaisa ng mga mamamayan sa bayan.
Samantala, ipinakilala rin ang Bantog Samahang Nayon na nagsusulong palaguin ang produktong gatas ng kalabaw sa pamamagitan ng iba’t ibang klase ng dairy products. Ayon sa kooperatiba ay magandang gamitin ang gatas ng kalabaw na mula sa Asingan dahil ito ay mas masustansya lalo na para sa mga kabataan, kung kaya’t nakipag-ugnayan sila sa DEpEd na itinuturing nilang pangunahing konsyumer.
Nakikipagtulungan din ang LGU-Asingan sa pag-promote ng nasabing produkto sa pamamagitan ng kanilang social media platforms upang mas mapalago pa ang negosyo ng nasabing kooperatiba. |ifmnews
Facebook Comments