Sinalubong ng mga kilos-protesta mula sa iba’t ibang grupo ang paggunita sa ika-50 taong anibersaryo ng pagdedeklara ng Martial Law.
Nagtipon-tipon sa University of the Philippines ang mga progresibong grupo gaya ng Bayan, Kilusang Mayo Uno at Karapatan.
Bago ito, sinabi ni Bayan Secretary General Renato Reyes na bagama’t maaaring gamitin ni Pangulong Bongbong Marcos ang United Nations General Assembly (UNGA) para makakuha ng ‘international acceptance’ ay hindi pa rin niya matatakasan ang mga krimeng ginawa ng kanyang ama.
Samantala, pumagitna na ang mga tauhan ng Manila Police District sa mga pro- at anti-martial law na nagsasagawa ng kani-kanilang pagkilos sa Plaza Miranda sa Quiapo, Maynila.
Nagpang-abot ang magkabilang grupo matapos na magkontrahan ng pahayag sa usapin ng Batas Militar.
Bukod sa Plaza Miranda, bantay-sarado rin ng mga tauhan ng MPD ang Liwasang Bonifacio at Mendiola.
September 21, 1972 nang magdeklara ng Martial Law si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. kung saan batay sa datos ng global human rights watchdog na Amnesty International ay aabot sa 100,000 indibidwal ang nabiktima nito ––– 3,000 ang pinatay, 34,000 ang tinorture at 70,000 ang inaresto.