Paggunita sa EDSA revolution, paalala sa mga pananagutan ng Marcos at Duterte administrations

Nananawagan si House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party-list Representative Arlene Brosas sa mamamayang Pilipino na igiit ang pananagutan ng Duterte at Marcos administrations.

Binigyang diin ni Brosas na ang tunay na diwa ng EDSA People Power Revolution ay hindi lamang pag-alala sa nakaraan, kundi ang patuloy na pakikibaka para sa tunay na demokrasya at pagkamit ng katarungan mula sa mga nakaraang rehimen.

Ayon kay Brosas, hindi pa naibabalik ng pamilya Marcos ang umano’y bilyun-bilyong pisong pera ng taumbayan habang hindi pa nananagot ang administrasyong Duterte sa mga paglabag sa karapatang pantao at sa libu-libong pinaslang sa ilalim ng implementasyon ng war on drugs.


Giit naman ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, hindi pa tapos ang laban sa EDSA dahil hindi pa napapanagot ang mga tiwali at nasa likod ng hindi maayos na pamamahala sa bansa.

Facebook Comments