Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na “generally peaceful” ang paggunita sa Semana Santa.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, walang naitalang pagtaas sa kaso ng mga krimen sa gitna ng paggunita ng Mahal na Araw nitong nakaraang linggo.
Gayunpaman, mataas aniya ang kaso ng drowning incidents o pagkalunod.
Simula April 1 hanggang kagabi ng alas sais, April 9, nakapagtala ang PNP ng 67 na kaso ng pagkalunod kung saan 72 ang nasawi.
“As of 6PM yesterday nga po, mababa ang nakita nating insidente. May dalawang theft incidents lang po, may isang robbery. But ang nakita po natin… itong drowning incidents po medyo mataas po,” ani Fajardo sa interview ng DZXL.
Samantala, nakapagtala rin ang PNP ng labing-anim na minor vehicular accidents.
Tiniyak naman ng PNP na patuloy ang pagbabantay nila sa inaasahang bugso ng mga pasaherong pabalik na sa Metro Manila hanggang bukas.
Pinaalalahanan din ng PNP ang mga motorista na tiyaking nasa kondisyon ang kanilang mga sasakyang bago bumiyahe, huwag magmaneho nang puyat o lasing habang pinayuhan naman ang mga pasahero na magdoble ingat at bantayang Mabuti ang kanilang mga gamit para hindi masalisihan.