Inirekomenda ni Senador Imee Marcos sa publiko ang tatlong opsyon para maging ligtas ang paggunita ng Undas ngayong pandemya.
Pangunahin sa mungkahi ni Marcos ay gawing maaga o ipinagpaliban ang pagpunta sa mga sementeryo o kaya ay gawing ‘virtual’ na lamang.
Sabi ni Marcos, pwede ang “e-padasal o e-pamisa” sa mga simbahan o mga pari sa pamamagitan ng online applications.
Inihalimbawa ni Marcos ang Manila Memorial Park sa Paranaque, na may “virtual dalaw” kung saan magbabayad ang mga kamag-anak ng may puntod sa paglilinis, pagtulos ng kandila, paglalagay ng bulaklak, at pagpintura ng mga nitso.
Ipapadala naman ng management ng sementeryo ang video sa pamilya ng mga yumao kapalit ng bayad sa nasabing mga serbisyo.
Diin ni Marcos, mas ligtas sa COVID-19 ang ganitong paraan habang kumikita pa rin sa panahon ng Undas ang mga nagtitinda ng bulaklak, hardinero at mga tagalinis ng puntod.
Ang suhestyon ni Marcos ay sa harap ng utos ng Inter-Agency Task Force at mga Local Government Unit (LGU) na ipasasara ang lahat ng sementeryo sa Metro Manila at iba pang mga lugar na may mataas pa ring kaso ng COVID-19.