“Dapat ang mga mandarambong ang ikinukulong ng gobyerno, imbes na mga mamamahayag”
Ito ang paninindigan ni Vice President Leni Robredo matapos maaresto si Rappler Chief Executive Officer Maria Ressa.
Sa programang Biserbisyong Leni ng RMN Manila, iginiit ni Robredo na dapat nakatuon ang pamahalaan sa pagpapakulong ng mga tiwaling opisyal.
Binanggit ni Robredo ang kaso ni dating unang ginang Imelda Marcos, na convicted ng graft ng Sandiganbayan pero nakalaya matapos nakapagpiyansa dahil sa kanyang matandang edad.
Naniniwala rin si Robredo na pinag-iinitan ng gobyerno si Ressa, na maituturing na uri ng harassment.
Matatandaang inaresto si Ressa dahil sa cyber libel at nakalaya matapos makapagpiyansa, at naaresto muli siya dahil sa paglabag sa anti-dummy law.
Naglagak ng 90,000 pesos na piyansa si Ressa para makalaya.