Inirekomenda na ng Philippine Coast Guard (PCG) sa kanilang national headquarters ang pagsasampa ng legal na mga hakbang laban sa kanilang mga tauhan na nagpabaya para makapaglayag ang lumubog na oil tanker na MT Princess Empress kahit wala itong permiso mula sa Maritime Industry Authority (MARINA).
Sa pagdinig ng Senado, inamin ni PCG-Deputy Commandant for Operations Vice Admiral Rolando Punzalan Jr., na batay sa kanilang imbestigasyon ay kulang ang ginawang pag-i-inspeksyon sa boarding ng kanilang mga tauhan na nagbigay permiso para makapaglayag ang lumubog na barko.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Senado na kahit may ginawang inspeksyon ang mga coast guard personnel, wala namang check ang box para sa ‘certificate of public convenience’ ng MT Princess pero pinayagan pa rin itong maglayag.
Ayon naman kay Maritime Safety Services Command Vice Admiral Joseph Coyme, head ng imbestigasyon sa nasabing insidente, rekomendado na nila sa national headquarters ang paghahain ng administrative at legal actions sa mga tauhang nagkaroon ng kapabayaan sa paglalayag ng MT Princess Empress.
Giit naman dito ni Senator Raffy Tulfo, kung nagawa lamang ng mga tauhan ng PCG nang maayos ang kanilang trabaho at nainspeksyon ang mga requirement na kinakailangan bago payagang makapaglayag ang isang barko ay napigilan sanang mangyari ang insidente.
Binigyang diin pa ni Tulfo na mula ngayon ay walang maglalayag na barko kung walang inspeksyon at go-signal mula sa PCG.
Nagbabala pa ang senador na hindi na dapat maulit ang kahalintulad na insidente dahil kung mangyari ulit ay hindi lang dapat Coast Guard personnel kundi pati ang mga commander ay dapat managot dito.